Nakipagpulong ang mga guro ng Larangan sa Edukasyong Pangwika sa mga kinatawan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) at Sentro ng Wikang Filipino (SWF) ng UP Diliman noong Setyembre 25, 2018. Layunin ng pulong na magkaroon ng konsultasyon hinggil sa mga panukalang pang-kurikulum upang palakasin ang programa sa BSEd (Sining Komunikasyon-Filipino) sa Kolehiyo ng Edukasyon. Inaasahan din na magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang mga departamento sa iba’t ibang proyektong may kinalaman sa pagpapaunlad ng wika at kulturang Filipino. Naging makabuluhan ang pagbabahagi ng kaalaman hinggil sa kurikulum at kasalukuyang mga proyekto sa Filipino nina Dr. Rommel Rodriguez, Direktor ng SWF at ang mga Tagapag-ugnay ng Programa sa Wika ng DFPP na sina Prof. Jayson Petras at Prof. April Perez. Ang pulong ay dinaluhan nina Dr. Lourdes Baetiong, Dr. Romylyn Metila, Prof. Nerissa Zara, at Prof. Crizel Sicat-De Laza ng Larangan ng Edukasyong Pangwika.
Mula kaliwa: Prop. Jayson Petras, Prop. April Perez, Dr. Romylyn Metila, Prop. Nerissa Zara, Dr. Lourdes Baetiong, Prop. Crizel Sicat-De Laza, Dr. Rommel Rodriguez