0

Talumpati ni Dr. Ma. Theresa L. de Villa, Panauhing Pandangal ng Parangal 2018

Talumpati ni Dr. Ma. Theresa L. de Villa bilang panauhing pandangal

Parangal sa mga Magsisipagtapos, Kolehiyo ng Edukasyon

Ika-22 ng Hunyo, 2018; Cine Adarna, UP Diliman

“Sandaang Taon ng Makabuluhang Edukasyon: Sa Hamon ng Panahon Handang Tumugon”

 

Nakatataba ng puso ang maayanyayahan sa mahalagang okasyon ito ng ating kolehiyo: ang pagdiriwang ng kanyang ika-100 taon at ang makadaupang-palad ang mga gurong magsisimula ng panibagong sentenaryo. Magsimula tayo sa isang pagganyak. Pakisagot ng Ilang bugtong:

Magandang prinsesa, nakaupo sa tasa.            (kasuy)

Hindi pari, hindi hari, nagdaramit ng sari-sari.     (paru-paro)

Ang bugtong at salawikain ang ilan sa mga paraan ng pagtuturo ng mga magulang at nakatatanda sa komunidad noon. Mapupunang ang mga paksa ay nakatuon sa kalikasan at mga bagay na nasa lipunan. Mga hari at opisyal ng militar ng Espanya, mga Espanyol na prayle. Hindi ba kontektwalisasyon ito? Hindi ba hinahasa nito ang malalim na pag-iisip?

Ngunit napawi ang mga pamamaraang ito sa ilang daan taon ng kolonisasyon. Pinalitan lahat; binago lahat.

Simula ika-1 ng Hulyo 1918 (opisyal na tala ng pagkatatag ng Kolehiyo ng Edukasyon) marami ng pagbabago ang naganap sa ating bayan at sa lipunang Pilipino. Ang mga kaganapang ito ang nagtakda ng pagbabago. Isang halimbawa ang sistema ng edukasyon na bunga ng pag-igting ng kolonisasyon sa Pilipinas sa loob ng mahabang panahon. Di na natin tatalakayin ang paksang ito. Marahil alam na ninyo ang mga matingkad na halimbawa at patunay sa mga ito. Ang iba ay nakikita pa sa kasalukuyang sistema ng edukasyon. Hayaan ninyo akong ibahagi ang ilang karanasan bilang patotoo sa ugnayan ng edukasyon at ng mga kaganapan sa lipunan.

Dekada sisenta: English, Math at Science ang pinipiling kurso dahil sabi sa amin, ito ang kinakailangan upang umunlad. Dagdag pa, ang mga kursong ito ay palatandaan ng katalinuhan. Pinili ko ang Ingles. Ang isang buong leksyon sa wikang Ingles ay naayon sa pagkakasunod-sunod ng apat na batayang kasanayan sa Ingles o basic communication skills: Listening, Speaking, Reading, Writing. Makinig muna bago magsalita, magbasa at magsulat. Sa listening o pakikinig, modelo nito ang guro na gamit ang mga aklat na naglalaman ng metodo: paano ang intonation, stress at blending. Sa speaking o pagsasalita, mahalagang makuha ang pagbigkas ng first language users. Napilitang baluktutin ang mga dila. The more you sound American or foreign, the better. Aspirate the fs, vs, and ths. Di bale na lang kung walang saysay. ang sinasabi.

Sa reading ang mga nilalaman at pinahahalagahan ng panitikan o literature ay kulturang maka-Kanluranin. Sa writing o pagsusulat, karaniwang paksa ang “What I did last summer” o “My favorite room in the house.” Kontrolado lahat ang buong sistema at nagmumula sa itaas.

Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabago ang naganap.

 

Dekada sitenta:

Naririnig: New Society, This country will be great again, May bagong silang (isang awit), Jabidah Massacre;

Ipinahahayag: Batas Militar; Sa pag-unlad ng bayan, disiplina ang kailangan;

Nababasa: Pagbago ng Konstitusyon; Pagbomba sa Plaza Miranda; Pagkontrol sa Kongreso;

Nasusulat: Pagtatanggol sa demokrasya; Unang Sigwa o ang First Quarter Storm.

Maraming dokumento at anyo ng panitikan ang iniluwal.

Key words: Martial Law; disappeared; salvage na nabago ang ibig sabihin; civil disobedience;

Maraming pagbabago: konstitusyon, komposisyon ng Kongresso; halaga ng piso sa dolyar (mula 2 piso naging mahigit 20 piso

Isa sa mahalagang kaganapan sa UP na naging malaki ang impact sa mga estudyante sa buong bansa ay ang pag-usbong ng pariralang Iskolar ng Bayan. (Forum, Jan-Mar 2018, pp. 12-13). Nagmula ito sa isang sanaysay ng isang estudyante sa Creative Writing class sa noon ay College of Arts and Sciences. Pinamagatan niya itong “Hirap sa Sasakyan ang Iskolar ng Bayan.”

Ilang sipi sa naturang sanaysay at artikulo.

1975: Isang “di malilimutang karanasan” ang araw-araw na pagbyahe ng isang estudyante ng UP Diliman mula Makati.

“Matagal ka nang maghihintay ng bus tapos sangkaterbang tao ang nag-eeksudos o nag-eebakweyt papuntang Cubao. . .” Kaya nang kinailangang magsulat ng isang sanaysay . . . isinulat ang kanyang karanasan.

“Pag para ng bus, bababa ang dalawa, sasakay naman ang dalawampu. Sa malayo, parang mga langaw ang mga tao na nag-uunahan sa pagdapo sa sugat ng isang batang taga Constitution Hill . . . Sa wakas, kahit papano nakasabit ka rin. Mula sa estirbo dahan-dahan kang sumisingit, “oops, sorry po.” Singit ka sa pagitan ng mga manggagawa, empleyado, mga estudyante atbp. . . . Sa mala-sardinas na kondisyon sa loob ng bus, mangingiti ka kasi nakasakay ka na . . . .”

Wala waring pagkakaiba sa mga nasasaksihan at nararanasan natin ngayon, lalo na ng mga nagsusumisikap na mga iskolar ng bayan tulad ninyo. (Ang kumpletong sanaysay ay nasa Forum, Jan-Mar 2018, pp. 12-13).

 

Dekada otsenta:

Naririnig: paglabas sa bansa ng yaman ng bayan, patuloy na pag-aaklas sa mga kanayunan;

Ipinahahayag: pagbabalik bansa ni Ninoy Aquino; snap election; Nababasa at nasusulat: Paglikas o pagtakas ng pamilya Marcos mula sa Malacanan; Pagbabalangkas ng 1987 Constitution;

Key words: People Power; peace process; coup d’etat; halaga ng piso sa dolyar: naglalaro sa PhP26.00 hanggang PhP37.00.

Maraming pagbabago: nagkaisa ang mga guro sa pampubliko at pribadong eskwelahan na magkapit-bisig at kumilos upang maisulong ang makabuluhang edukasyon tungo sa pagbabago ng lipunan.

Ito ang bitbit naming mga guro sa Ingles: Kung ginamit ang Ingles sa pag-kolonisa, maaring gamitin din ito sa pag-dekolonisa o pagkalas sa pagkakakulong sa isip sa pamamagitan ng masusing pakikinig, pagbasang magpapaunlad ng mapanuring pag-iisip, pagsasalita at pagsulat. Natatamo ito sa maingat na pagpili ng mga babasahin, pag-formulate ng mga tanong at paglalatag ng mga gawaing makabuluhan sa buhay ng estudyante at lipunang kanyang kinabibilangan.

Ayon nga sa tema ng pagtitipong ito: Makabuluhang Edukasyon. Isang halimbawa ang aking karanasan.

Klase: Grade 5 English.

Topic: Answering the telephone.

Gamit ang isang toy telephone, ginawa ang dyad sa harapan ng klase. Isang estudyante ang pinagtawanan dahil baligtad ang hawak sa telepono. Nasa tenga ang mouthpiece at nasa may bibig ang earpiece. At halos maiyak na sinabi ng bata na wala silang telepono. Ipinakita ang wastong gamit at itinuloy ang exercise: Hello. Good morning. This is the Lopez residence. Blah blah blah. Hold the line please. At ibinulong ko sa kanya na handa na siya kapag nagkatelepono sila sa bahay. Makalipas ang dalawang taon nagkita kami sa high school building at masaya niyang ibinalita: Ma’am may telepono na kami. Pero di English ang ginagamit namin sa pagsagot!

 

Dekada nobenta:

Naririnig, ipinahahayag, nababasa at nasusulat: pagsasara ng US military bases; jeepney strike; pagputok ng Mt. Pinatubo.

Key words: deregulation; private and foreign investments

Halaga ng piso sa dolyar: naglalaro sa pagitan ng PhP36.00 – PhP38.00

Sa dekadang ito, pinalakas ang integrasyon ng apat na batayang kasanayan sa komunikasyon. Gayundin ang paggamit ng Ingles sa pagtuturo ng Agham at Matematika. Isang halimbawa

Klase: Grade 4 Matematika sa isang pampublikong paaralan sa Isabela.

Topic: Reading and interpreting the electric meter.

Sinunod ng guro ang mga gabay at gawain at pagsasanay na nakasulat sa aklat kung saan may drowing ng mga electric meter na may iba-ibang “recorded readings”. Matapos ang klase, nahihiyang sinabi ng guro: Sinusunod ko lang po ang sinasabi ng DECS kahit di magagamit ng mga bata ang skill. Napansin nyo na walang kuryente dito. Sagot namin: Di bale, baka magkakuryente na kayo sa taong ito. Sagot ng guro: Baka nakalimutan na ng mga bata ito. At saka kung kailangan, matutunan.

Isang klase sa Grado 6 sa EPP

Topic: Proper behavior at the dinner table. Ipinakita ang tamang pag-aayos ng mga gamit pangkain sa mesa tulad ng plato, kutsara, tinidor at table napkin! Tinalaka ang mga syalitang dapat gamitin tulad ng: “May I have a second helping please?” at “Please pass the viand. “

Matapos ang klase kinausap namin ang mga bata tungkol sa leksyon. Ikinuwento ng ilang bata kung ano ang karaniwang nangyayari sa kanila sa hapag kainan. Bawat isa ay binibigyan ng kanilang ina ng plato na may kanin at konting pang-ulam. Walang second helping at wala ring Ingles.

Kapuna-puna na alam ng guro sa Isabela na di makabuluhan ang nangyayari sa loob ng klasrum habang ang ikalawang guro naman ay sumusunod sa itinatakda ng mga nakatataas.

 

Bagong milenyo (2000 hanggang sa kasalukuyan):

Naririnig, ipinahahayag, nababasa at nasusulat: pagdami ng BPO, People Power 2, New Republic; NBN-ZTE deal; Maguindanao Massacre; typhoons and other calamities;

Key words: I’m sorry, COMELEC irregularities; peace process; indigenous peoples; fake news, populist presidency, revisionism, authoritarianism, EJK, quo warranto, reuse, recycle, repurpose, atbp.; halaga ng piso sa isang dolyar: 2013 PhP 44.00; 2017 Ph 50.00; 2018 PhP53.489.

Naging mulat na ang maraming guro dahil sa mga pangyayari sa kanilang kapaligiran. Ngunit tila nahihirapan pa silang gawing makabuluhan ang mga leksyon sa araw-araw na mga pangyayari sa lipunang Pilipino. Isang halimbawa:

Nakatanggap ang punong-guro ng isang balumbon ng nakatuping mga pahinang pinunit sa isang maliit na notebook. Nakasulat sa unang dalawang pahina at sa malalaking letra. P_ _ _ _ _-I _ _! Sa ikatlong pahina: Hirap sumakay ng dyip. Puno.Mahuhuli ako sa klase. Sa ikatlong pahina: Nag-rebyu ako para sa test! P _ _ _ _ _ I _ _! Co-syn walang tulong para makarating ako sa school! Sa ika-apat na pahina: Mabuti pa sa PA, natututo kaming pagkasyahin ang pera para makakain nang mabuti.

Ngunit ang mga kapatid nating mga katutubo ang isa sa mga nagsusulong ng makabuluhang edukasyon kahit noong una pa man, kaya hindi naging mahirap sa kanila ang pag-angkop sa kanilang kapaligiran at kultura at sa mga pagbabago. Ipakikita ito sa susunod na halimbawa.

Science 3 Lesson Plan

Topic: Solid, Liquid at Gas;

Context: Pangingisda sa sapa (hapa) at mga bagay sa pamayanan na maaaring gamitin.

References: Elders, Textbook

Brief Description of the Context: Ang pangingisda sa sapa (hapa) ay isa sa paraan ng pagpapatibay ng relasyon ng mga kabataan at nakatatanda. Ito ay isa rin sa mga gawain sa pamayanan na nagpapatibay ng ugnayan ng mamamayan sa bawat isa. Ang pagpapahalaga at respeto sa kapaligiran ay isa ring nagpapatatag ng relasyon ng pamayanan sa kalikasan.

Materials: Sibat, Bisti, Antukus at mga bagay na matatagpuan sa paligid ng sapa (bato, tubig, buhu, atbp.)

             Dumako sa kalapit na sapa ng eskwelahan

Sa gabay ng elder at guro,

  1. Ipakikita ang wastong gamit ng antukus(goggles), bisti (pana) at sibat sa pangingisda. Obserbahan ang mga bata sa panghuhuli ng isda sa sapa.
  2. Magpakuha ng buhu at panggatong sa mga bata. Ihahanda rin nila ang mga ito upang makapagluto.
  3. Iluluto na ang mga nahuling isda.

Discussion/Analysis:

  1. Ano-ano ang mga kagamitang ginamit sa pangingisda sa sapa?
  2. Magbigay ng katangian ng mga kagamitang ito.
  3. Ano-ano naman ang mga kagamitang ginamit sa pagluluto?
  4. Ano-ano naman ang mga katangian ng mga kagamitang ito?
  5. Ano ang napansin nyo habang kumukulo ang inyong niluluto sa buhu? Ano ang katangian nito?
  6. Batay sa mga katangian ng mga bagay at kagamitang nabanggit sa pangingisda at pagluluto, alin sa mga ito ang solid? liquid? gas?

 

Bilang isa sa mga nakarinig, nakabasa, nakipagtalastasan at nakaranas sa ilang mga pangyayari sa loob ng mga dekadang nabanggit, may lungkot, pangamba at galit na makita ngayon ang anino ng mga pangyayari noong dekada 60 at 70: pagiging sunud-sunuran sa kagustuhan ng mga namumuno, pagkawala o pagnipis ng oposisyon sa Kongresso at sa Korte Suprema, mga institusyong dapat ay independyente sa Ehekutibo, ang paggamit ng grassroot at rhetorical question approach sa pagsusulong ng pagbago sa Konstitusyon, ang palagiang paggamit ng malalaswa at bastos na mga salita at ang lantarang kawalan ng respeto sa karapatang pantao, at sa mga kababaihan.

Ito ay ilan lamang sa mga kasalukuyang hamon sa atin bilang mga guro.

Ano nga ba ang layunin ng pagbabahaging ito? Sinikap nitong maihayag ang ilang punto na nasaksihan at naranasan sa loob ng halos pitong dekada. Higit sa lahat, ang maaaring gawin nating mga guro bilang tugon sa mga hamon. Ayon nga sa tema ng parangal ngayong hapon: makabuluhang edukasyon tugon sa hamon ng panahon.

Unang punto, lubhang mahalaga ang ugnayan ng mga pagbabago sa lipunan (at sa mundo) sa mga pagbabago sa sistema ng edukasyon. Malinaw na nakita ito at naiukit sa mga isipan ng mga naunang henerasyon. Mas bihasa silang mag-Ingles at kung minsan ay ikinahihiya ang paggamit ng Filipino. Naging tanda ng pagiging edukado o may pinag-aralan ang kahusayan sa Ingles. Nabago ito noong dekada 70 kung kailan naging maigting at marubdob na naisulong ang nasyonalismo. Alam nating lahat na ang UP ang isa sa nanguna sa pagkilos na ito. Kaya noong dekada 80 naging isang patakaran ang paggamit ng Filipino bilang wikang panturo. Tinangkilik ito ng UPIS.

Sa patuloy na pag-usbong ng mga di kanais-nais na kaganapan sa lipunan, paano ba maipaloloob ang mga ito sa mga asignatura? Paano mai-uugnay ang isyu ng tugon ng Korte Suprema sa inihaing quo warranto sa pagtuturo ng isang konsepto sa agham o matematika o sa PE? Paano gagawing makabuluhan ang Merchant of Venice sa mga millennial? Alam kaya nila ang 5-6 sa pagpapautang?

Ikalawang punto, may kaugnayan rin ang mga kaganapan sa ibang bansa sa ating bansa at lipunan. Halimbawa nito ang zero tolerance ng USA na sapilitang napaghiwalay ang mga bata sa kanilang magulang? Hindi ba ito ay di naiiba sa mga batang may mga magulang na OFW? O ng mga batang nauulila dahil napatay o nakulong ang mga magulang dahil nahulihan silang nagbabatak at nanlaban sa mga otoridad? Paano ito maipaloloob sa isang talakayan sa Pisika? Musika? Heograpiya?

Ikatlo, sa tunay na buhay, magkakaugnay ang lahat (Life is interdisciplinary in nature). Halimbawa, pagkagising ano ang karaniwang ginagawa mo? Maglinis ng katawan (health, science) ayon sa isang sistema ng pagkakasunod-sunod na itinuro ng iyong magulang (communication). Inoorasan ang tagal ng paglilinis (math) dahil may iba pang gagawin bago kumain at pumasok sa eskwelahan. Sabi nga ni James Moffett Life is not divided into subjects (1992).

Ikaapat, ang mga kaganapan sa lipunan at sa kasaysayan nito ay sinusulat ng taumbayan at di naka-sentro sa iilang tao lang; kaya mahalaga ang mga tanong na bakit at paano, di lamang sino, saan at kailan. Nakita natin ito sa ating kasaysayan. Ang mga lider ay iniluwal ng mga kaganapan ngunit ang nagsulong ay ang taumbayan. Sa lahat ng pagkakataon, pinahahalagahan ang sumusunod: KATOTOHANAN, KATARUNGAN at KAPAYAPAAN. Taumbayan ang nagsusulong at nagsasabuhay. Sa panahon ngayon ng fake news, misinformation, cuss words na ikinatutuwa ng marami, kawalan ng respeto sa buhay at sa kapwa tao partikular na sa mga kababaihan, ano nga ba ang dapat gawin nating mga guro?

Iminumungkahi ko ang sumusunod:

  1. Manindigan sa isang prinsipyo o paniniwala. Take a stand; Pero iwasang ipilit ang iyong killing o bias sa iyong mga estudyante. Imbes, linangin ang mapanuring pag-iisip o critical thinking sa pamamagitan ng pagtalakay ng iba-ibang paraan ng pagtukoy at pagkalap totoong datos, ang masusing pag-aaral ng mga ito tungo sa pagbuo ng isang desisyon.
  2. Patuloy na makinig, magbasa, makipagtalastasan at magpahayag ng saloobin . Sa madaling salita: kumilos. Di sapat na may alam, may realisasyon. Kailangan ang pagkilos.

Pagnilayan natin sandali ang sinabi ng syentistang si James Speth sa isang panayam noong 2015.

“The things that affect environment outcomes are politics and the ascendancy of money power over people power,

I used to think that the top environmental problems were biodiversity loss, ecosystem collapse, and climate change. But I was wrong. The top environmental problems are selfishness, greed and apathy.”

Patunayan nating mali ito. Imbes, paninidigan natin ang sinabi ng isang dating kasama natin na si Maria Luisa C. Doronila.

In education, a similar transformation has been taking place, because the people themselves, through the growth of civil society, have taken initiatives to make education an arena of struggle and change in order that it will work for themselves and for societal development . . . the people have shown that this can be done by transforming education into an inclusive and comprehensive social process where everybody participates in its realization (1994).

Maligayang bati sa inyong lahat. Mabuhay ang mga Guro ng Bayan, mga dating Iskolar ng Bayan na maghuhubog ng mga darating pang Iskolar ng Bayan.

Magandang umaga po.

-wakas-

 

Isinulat at ibinahagi bilang talumpati ni Ma. Theresa L. de Villa, Professorial Lecturer, Faculty of Education, UP Open University

BSE (English), College of Education, UP Diliman, 1966

Med (TESL/TEFL) College of Education, UP Diliman, 1980

Ph.D. (Filipino:Translation), Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman, 1995.

Related Posts